Binigyang diin ng Department of Justice na ligal ang naging pagkakaaresto kay dating Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. nang ito’y dalhin mula Timor-Leste tungo sa bansa.
Ito mismo ang naging paglilinaw ni Justice Undersecretary Raul Vasquez hinggil sa usapin ng legalidad sa pagkakadakip ng mga awtoridad ng naturang bansa kay former Negros Oriental representative Arnie Teves Jr.
Ayon kasi sa kanya, wala namang nilabag ang mga ito sa batas at nilinaw pang akma lamang ang ginawa ng bansang Timor-Leste buhat ng mga ipinakitang kilos ni Teves habang ito’y inaaresto.
Kung saan pinabulaan din niya na may karahasan o torture umanong nangyari sa pagkakadakip sa dating kongresista sapagkat kita naman raw sa video na ligal ang ginawang hakbang ng mga awtoridad sa bansang Timor-Leste.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Department of Justice Undersecretary Raul Vasquez na hindi niya umano nais panghimasukan kung papaano ang sistema ng bansang Timor-Leste.
Naniniwala kasi siya na kung mayroon mang kwestyonableng nangyari o naganap sa pagkakaaresto ito’y dapat lamang rin matingnan o masuring maigi.
Ngunit aniya’y dapat idulog ito sa mga awtoridad ng bansang Timor-Leste sakaling nakakita ang kanilang panig ng iregularidad sa implementasyon ng pag-aresto.
Idinagdag din ng naturang undersecretary na ang pagdulog sa mga kinauukulan ng Timor-Leste hinggil sa isyung ito ay para maaksyunan ng bansa at maiwasan na maulit pang muli.
Maalala na si dating Congressman Arnie Teves ay inaresto ng mga awtoridad ng bansang Timor-Leste at ibinalik dito sa Pilipinas kamakailan lamang.
Kung saan sa kasalukuyan ay siya’y nasa kustodiya na ng pamahalaan ng bansa mataos ang naging pagkakaaresto sa kanya.
Kinakaharap nito ang pagiging sangkot at itinuturo umanong ‘mastermind’ sa likod ng pagpatay kay for former Negros Oriental governor Roel Degamo at ilan pa noong 2023 sa Pamplona, Negros Oriental.