LAOAG CITY – Hindi naging hadlang kay Atty. Jo Ericka Marquez, taga Bacarra, Ilocos Norte ang pagiging PWD para makamit ang kanyang pangarap na maging abogado.
Ayon kay Marquez, hindi naging balakid sa kanyang pagsisikap ang hindi niya paglalakad.
Kapag masipag at malakas ang loob ay walang imposible sa kahit anumang pangarap sa buhay.
Nagpapasalamat naman siya na sa kabila ng kanyang kalagayan ay hindi naman siya nakaranas ng anumang diskriminasyon.
Ibinahagi nito na noong pumasok siya sa Law School ng Northwestern University, tinanong lamang aniya siya ng kanilang Dean kung paano siya makakapag-aral dahil nasa second floor pa nga aniya ang kanilang silid aralan.
Ganunpaman, sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaklase ay nakapagtapos ito at ngayon ay isa nang abogado matapos makapasa sa Bar Exam.
Sinabi nito na naisip niya lamang na mag-aral ng abogasya nang nagtapos sa kolehiyo para malaman kung hanggang saan ang kaya nitong gawin.
Samantala, hindi pa masasabi ni Atty. Marquez kung ano ang susunod na gagawin matapos pumasa dahil nagpapatuloy pa rin ang covid-19 pandemic sa bansa.










