-- Advertisements --

Dismayado si Sen. Loren Legarda nang hindi dumalo si Energy Secretary Sharon Garin sa unang pagdinig ng Senate ad hoc committee tungkol sa plano ng gobyerno sa epekto ng krisis dulot ng kaguluhan sa Middle East.

Ito’y matapos isagawa ng PROTECT Committee (Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy) ang pagdinig ngayong araw ng Martes, Marso 24, 2026 kung saan napansin ng ilang senador ang pag-absent ng DOE chief sa pagdinig.

“Just for the record, may we know where Secretary Sharon Garin is?” tanong ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan

Ayon kay PROTECT Committee Chairman Sen. Sherwin Gatchalian, busy umano si Garin kaya hindi ito nakadalo sa pagdinig.

“Puwede namang ipagpaliban muna ni Sec. Garin ‘yung kanyang mga meetings, tingin ko mamaya pa tayo dito after her Malacanang meeting. Mas maganda pong pumunta siya dito,” saad pa ni Gatchalian.

Puna ni Legarda, na habang ang ibang mga opisyal gaya ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ay nakadalo, bakit ‘wala ang DOE chief.

“If the SFA is here, why aren’t the others? Are you too busy? Isn’t this the most important matter?” ani Legarda.

“Why should (the energy) secretary be exempted from this?” tanong pa ng senadora.

“Pag kayo ay humihingi ng mga budget ninyo, maski overnight, nandyan kayo. Pero pag crisis action plan, marami kayong dahilan. The Senate will not allow that,” tugon ni Legarda.

Sa parehong pagdinig, tila hindi pa nagustuhan ni Legarda ang paliwanag ni DOE Undersecretary Alessandro Sales sa kahilingan ng DOE para sa supplemental budget ng Philippine National Oil Company (PNOC), na kaya raw hindi naipatupad ay dahil “on break” umano ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

“Excuse me, hindi po nagbe-break ang Senado na hindi inaaksyunan ang hinihiling ng executive,” dagdag ni Legarda, binanggit ang halimbawa ng batas na nagbibigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

“Nung napasa namin, sinabi ‘we will see..’ Ano ba… kailangan ba o hindi.. Tapos ‘pagka-pasa namin ‘we will see’,” buwelta ni Legarda.

Kaugnay nito pinuna rin ni Legarda ang hindi patas na pagpapalabas ng pahayag na tila ang Senado ang dahilan ng pagkaantala sa paggamit ng pondo ng PNOC.

“Hindi po magandang pakinggan ‘yan. Hindi po magbe-brake ang Senado kung sinabi nyong kailangan ng Congressional approval ang paggamit ng PNOC ng kanilang pondo,” wika ni Legarda.

Sa huli, dumalo rin si Sec. Garin sa pagdinig, ngunit naging malinaw ang pagkukulang sa koordinasyon sa pagitan ng DOE at Senado.

Ani Gatchalian, kahit naka-break ang Senado, maaari pa ring magdaos ng special session para aksyunan ang mga mahahalagang isyu, kabilang na nga rito ang posibleng kaharaping krisis sa suplay ng enerhiya.