
Target ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na tapusin ang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, layon ng komisyon na tapusin ang lahat ng paghahanda nito para sa darating na eleksyon sa pagsapit ng buwan ng Mayo, taong kasalukuyan mula nang masimulan ito noong nakaraang taon.
Kaugnay nito ay muling binigyang-diin ni Comelec chairman George Erwin Garcia na tuloy ang itinakdang deadline ng voters registration sa bansa sa darating na Martes, Enero 31, 2023.
Aniya, walang napag-uusapang pagpapalawig sa deadline ng pagpaparehistro ng mga botante ang poll body kung kaya’t patuloy ang kanilang paalala sa lahat na mag parehistro na at huwag nang hintayin pa ang huling araw ng pagtatapos nito.
Samantala, sa datos naman na inilabas ng Commission on Elections, umaabot na sa 1.5 milyon ang bilang ng mga botanteng nagparehistro na para sa botohan, kabilang ang nasa isang milyong mga bagong botante.










