-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Pangkalahatang naging mapayapa ang pagdiriwang ng katatapos na Ati-Atihan Festival 2023 bilang bahagi ng kapistahan ni Sr. Sto. Nino de Kalibo.

Ito ay matapos ang dalawang taong pagsuspinde sa selebrasyon dulot ng COVID 19 pandemic.

Kinumpirma ni Aklan Police Provincial Director P/Col. Crisaleo Tolentino na walang anumang naitalang “untoward incidents” maliban sa ilang insidente ng gulo dala ng kalasingan.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Tolentino ang lahat ng mga pulis sa Aklan at augmentation force mula sa Police Regional Office (PRO)-6 at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno kasama ang force multipliers bagay na nakapagtala ng zero major incident.

Sa kabilang daku, pinarangalan ng PNP ang mga pulis na humawak ng mahalagang papel sa isang linggong festival na nagsimula noong Enero 9 hanggang 15.

Ang parangal ay ibinigay ni Col. Tolentino sa mga opisyal at miyembro ng binuong Site Task Force Ati Fest matapos ang isinagawang send-off ceremony sa APPO headquarters.