-- Advertisements --

Tinawag ni House spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na isang “distraction” o panggulo lamang sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang planong pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa labas ng Senado.

Sinabi ni Adiong na ang hakbang ng ilang senador na kakampi ng dating pinuno ng Senado ay isang “PR stunt” upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa paglilitis na siyang pangunahing obligasyon ng Senado sa ilalim ng Konstitusyon.

Nilinaw naman ni Adiong na ito ay kanyang personal na pananaw at hindi opisyal na pahayag ng buong House prosecution panel.

Samantala, binigyang-diin nina impeachment prosecutors San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora at Batangas Rep. Gerville Luistro na kinikilala ng Kamara ang pamumuno ni Acting Senate President na si Sherwin “Win” Gatchalian.

Ayon sa mambabatas, bagamat may kalayaan ang mga senador na magpahayag, ang anumang lehitimong pagdinig ay kinakailangang may pahintulot ng bagong pamunuan ng Senado.

Nakatakdang magdaos naman ng pre-trial conference ang Senate impeachment court sa Hunyo 18, habang pormal namang magsisimula ang paglilitis laban sa Bise Presidente sa darating na Hulyo 6,2026.