KORONADAL CITY – Kinumpirma ng Singaporean government na nagmula umano sa isang malaking dormitoryo ang pagkalat ng nakakahawang Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Annie Tampus Dano, isang overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Singapore sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Dano, nagsimula umano ang pagkalat nito sa isang kuwarto na may 12 katao ang nasa loob nito at kumalat sa nasabing dormitoryo.
Ibinunyag nito na 60 sa mga ito ay mga Pilipino na mga permanenteng residente na ng bansa at 30 dito ay kasalukuyan pang nananatili sa ospital.
Nabatid na ang nasabing 20,000-room capacity na dormitoryo ay tinitirahan ng iba’tibang lahi at karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa konstruksiyon at paglilinis.
Tiniyak naman ni Dano na hindi nagpapabaya sa kanila ang Singaporean government at kanilang sinasagot ang pagpapaospital at pagbibigay ng allowance sa mga apektadong indibidwal.
Sa ngayon isinailalim ang Singapore sa circuit break status o lockdown bilang hakbang sa pagsugpo sa pagkalat ng COVID-19 na pinalawig hanggang sa buwan ng Hunyo.