Isinusulong ni 1 PACMAN Party-list Representative Michael Romero ang pagtatatag ng isang Philippine Fruits Authority (PFA).
Tinukoy ng mambabatas sa kanyang House Bill 819, na bilang hitik ang bansa sa “tropical fruits” ay mahalaga na may isang ahensya na tututok sa pagpapalakas ng fruit production sa bansa at poprotekta sa kapakanan ng fruit farmers.
Katunayan sagana ang bansa sa pinya at mangga na itinuturing bilang “major fruit export commodities.”
Bahagi ng magiging mandato ng PFA ang paglalatag ng hakbang upang tiyakin tama ang kinikita ng mga maliliit na fruit farmer sa pagbebenta ng produkto, accreditation at registration ng lahat ng fruit farmers, growers at association, protektahan ang mga endangered species at tumanggap at ipamahagi ang lahat ng suporta mula pribadong sektor sa fruit industry.
Ang Secretary of Agriculture ang magsisilbing chairman katuwang ang director ng PFA, kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Trade and Industry (DTI) at kinatawan mula government financial institutions, kooperatiba, fruit industry, at fruit farmers.