Kinuwestyon sa pagdinig ng Kamara ang pondong inilaan ng Department of Health (DOH) sa pagbili ng hindi umano kilalang brand ng CT-scan machines.
Pinuna ni Iloilo Rep. Janette Garin, na dating kalihim ng DOH, ang kawalan ng ideya ng Health officials sa naturang procurement.
Natukoy din sa pagdinig ng House Committee na falsified o peke ang certification ng magandang quality ng naturang CT-scan machine brand, na dati na palang natanggap ng ilang DOH regional offices.
Agad namang nangako ng imbestigasyon si Health Sec. Francisco Duque sa nasabing issue.
Para sa taong 2021, P127-billion ang hiniling ng DOH sa ilalim ng panukalang national budget.
Mula rito, P13-billion ang ni-request ng Health department para sa implementasyon ng mga programa kaugnay sa pagbangon ng bansa sa COVID-19.
Pinakamalaking alokasyon ng ahensya para sa kanilang budget sa susunod na taon ang para sa pag-rolyo ng Universal Healthcare Law na aabot sa P38-billion.
Target din ng DOH na maglaan ng halos P30-billion na pondo para sa implementasyon ng iba pang health-related laws.