-- Advertisements --
2 2023 10 02 22 47 50

Sa kabila pa ng mga paalala ng mga awtoridad, nananatiling laganap ang pagbili at pagbenta ng boto sa ilang mga lugar sa Visayas at sa lalawigan ng Bulacan sa Luzon.

Sa Negros Oriental, base sa reports na natanggap ng Commission on Elections (Comelec), iniulat ng acting provincial election supervisor na may ilang namimili ng boto sa pamamagitan ng pamamahagi ng ayuda na nagkakahalaga ng hanggang P2,000 kada botante.

Aniya, sinusubukan ng tukuyin ng poll body kung sino ang mga salarin base na rin sa mga larawang nakuhanan sa pamamahagi ng pera.

Sa Negros Occidental naman, nasa 19 ang natanggap na reklamo kaugnay sa vote-buying ayon sa Provincial Election Officer. Kung saan inaantay pa aniya ang ruling o desisyon ng Comelec law department sa nasabing mga kaso ng vote buying.

Nakapagtala rin ng insidente ng vote buying sa lalawigan ng Bulacan kung saan ang reelectionist na kapitan a bayan ng Pandi ay nahaharap sa disqualification case.

Inihain ang reklamo noong Biyernes ng isang residnete na nagbulgar na nakatanggap ito ng P1000 na cash at health card na may nakalagay na kaniyang pangalan noong Oktubre 22 mula sa isang kandidato kapalit ng kaniyang boto.

Nangako din umano ito na bibigyan siya ng karagdagang P1000 ngayong araw ng halalan.

Aniya, inimbitahan umano sila kasama ang iba pang mga residente para magtipon-tipon sa warehouse ng barangay leader noong setyembre 29 kung saan ang bawat isa sa kanila ay kinuhanan ng litrato at sinabihang iimbitahan muli sa parehong lugar.

Nagulat din ang mga ito nang makatanggap ng health card na mayroong QR code mula sa barangay leader na iiscan pagkatapos ng eleksiyon para makumpirma na ibinoto nila ang naturang kandidato.

Kaugnay nito, nangako naman ang kapulisan sa Central Visayas na kanilang hahabulin ang mga nagsasagawa ng vote buying at iba pang lalabag sa election law.