Ikinagalak ng mga economic managers ang pagbaba ng naitalang unemployment rate sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Magugunitang batay sa mga reports, milyun-milyong manggagawang Pilipino ang nawalan ng trabaho simula Marso kasunod ng mga ipinaiiral na community quarantine o lockdown dahil sa pandemic.
Sinabi ni NEDA director-general Karl Kendrick Chua, nasa 7.5 million na trabaho ang nalikha o naibabalik na nitong Hulyo batay sa labor force survey.
Ayon kay Sec. Chua, kabilang sa may pinakamalaking kontribusyon ang sektor ng konstruksyon o sa imprastruktura na inaasahang lilikha ng hanggang 1.1 million jobs ngayong taon kasama na ang multiplier effects.
Inihayag ni Sec. Chua na inaasahan nilang magpapatuloy ang ganitong trend habang niluluwagan ang mga quarantine restrictions lalo sa public transportation at nakakabalik na sa trabaho ang mgahindi nakalalalabas para pumasok sa pinatatrabahuan.
Pero mahigpit na ipinaalala ni Sec. Chua na dapat seryosong tuparin ang mga minimum health standards gaya ng pagsusuot ng face masks, social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay maging sa loob ng bahay.
Naniniwala ang opisyal na posibleng sa third o fourth quarter pa magkakaroon ng bakuna sa Pilipinas dahil hindi ganun kadali ang pagsu-supply sa nasa walong bilyong populasyon ng mundo.
















