-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Malaking usapin ngayon ang pagbaliktad ng US Supreme Court sa pagiging legal ng abortion at maaaring magbunga ito ng malawakang kilos protesta ng mga pro-abortion groups.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito na ang Federal constitutional right sa abortion ay naging batas sa Amerika sa nakaraang limang dekada.

Binibigyan ng pahintulot ang mga kababaihan na nangangailangan ng abortion lalo na ang mga babaeng nanganganib ang buhay dahil sa pagbubuntis.

Malakas aniya ang mga konserbatibo sa Korte Suprema lalo na ang mga itinalaga ni dating Pangulong Donald Trump.

Anim sa siyam na justices kasama ang Supreme Chief justice ang bumaliktad at ipinagbabawal na ang federal right to abortion.

Malakas ang naging lobby ng mga conservative group at mga anti-abortion rights organizations tulad ng evangelical christians at roman catholic kaya ginamit na political agenda ito ng mga Republicans

Ayon kay Ginoong Melegrito, matinding labanan ito sa pagitan ng mga pro-life at pro-abortion.

Mapaparusahan na aniya ang mga mahuhuling pupunta sa abortion clinic dahil paglabag na ito sa batas.

Dahil ipinauubaya sa mga estado ang pagpapasya kung papayagan ang abortion ay kinikilala ang pagiging legal ng abortion sa mga estado ng Washington, New York California at iba pang progressive democratic states.

Kung nakatira sa Alabama at kailangang magkaroon ng abortion dahil sa suliraning pangkalusugan ay puwedeng magpunta sa New York.