Nananatili umanong maayos ang pagbabantay ng Bureau of Immigration (BI) personnel sa mga paliparan sa bansa sa kabila ng pagbuhos ng mga pasahero papasok at palabas ng bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Bureau of Immigration Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, sinabi nitong bagamat may mga kaunting problema silang nae-encounter ay agad naman itong natutugunan.
Ia pa rin ang problema sa mga pila sa mga counters lalo na kapag magkakasunod ang ating ng mga eroplano sa paliparan.
Pero ang lahat naman daw ng mga counters ay mayroong personnel ng BI at ang pagproseso sa mga pasahero ay tumatagal lamang nang hanggang 45 segundo na siyang international standard.
Operational na rin daw ang mga e-gates at naibaba na rin ang oras ng pagpoproseso sa walong segundo lamang para sa mga Pinoy.
Una nang inanunsiyo ng Bureau of Immigration na kinansela ang bakasyon ng mga frontline personnel ngayong Christmas season.
Sa report ni BI Port Operations Division Chief Atty. Carlos Capulong, naitala na ng mga ito ang nasa 35,000 daily arrivals at nasa 29,000 departures para sa international airports.
Ang pagtaas daw ng bilang ng mga travellers ay nangangahulugan na dumadami na ang mga turistang nanggagaling sa iba’t ibang bansa.
Una nang tiniyak ng Immigration bureau na nakahanda na ang kanilang buong puwersa para sa asahang pagbuhos ng mga pasahero ngayong holiday season.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nagbigay na ito ng direktiba sa Port Operations Division para siguruhing sapat ang bilang ng manpower na naka-deploy para magbigay ng serbisyo sa mga paparating at papaalis na mga pasahero.