-- Advertisements --
image 103

Nais ngayon ng Department of Tourism (DoT) na maibalik na ang dating mga flights na natigil dahil sa epekto ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ang naturang hakbang ay para na rin sa pagpapanumbalik sa indiatriya ng turismo sa bansa.

Sa pakikipagpulong ni Tourism Secretary Christina Frasco sa flag carrier na Philippine Airlines (PAL), iminungkahi nito na ibalik na ang dating flights at maglunsad ng mga bagong destinasyon upang palakasin ang turismo.

Ipinaparating aniya ng availability ng flights ang pagiging bukas ng bansa sa pagtanggap ng international at domestic tourists.

Ibinahagi rin ni Frasco sa mga kinatawan ng PAL ang mahahalagang natutuhan sa 11th Asia Pacific Economic Cooperation Tourism Ministerial Meeting.

Kabilang dito ang tumataas na demand mula sa mga bansang tulad ng Thailand para bisitahin ang tourism destinations sa Pilipinas tulad ng Cebu.

Binigyang-diin pa ng kalihim na ang airline companies ay maituturing na mahalagang sangkap ng tourist lifecycle sa bansa.

Gayundin sa promotion ng napakaraming magagandang destinasyon na gagawing accessible sa mga turista.