-- Advertisements --

Pinalawig pa ng Department of Agriculture (DA) ang validity ng Certificate of Necessity to Import (CNI) para makapag-angkat ang pamahalaan ng mahigit 38,000 toneleda ng isda.

Layunin nitong matugunan ang kakulangan ng supply sa bansa, lalo na ang mga pangunahing klase ng isda na kinakailangan ng ating mga kababayan.

Base sa ulat na inilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa 90,000 tonelada ang magiging kakulangan ng supply ng isda ngayong taon.

Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, kabilang sa mga dahilan ng pagbaba ng nahahangong isda sa bansa ay ang pagtaas ng presyo ng produkto petrolyo na nakaapekto sa pangingisda at ang close fishing season.

Tiniyak naman ng kalihim na nanatiling prayoridad ng DA na maparami ang produksyon ng mga mangingisda upang hindi umasa sa pag-aangkat mula sa ibang bansa.

Gayunman, mananatili pa rin ang importation habang wala pang malinaw na solusyon sa problema ng mga nasa fishing sector.