Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking high value individual matapos maaresto sa ikinasang buy bust operation Biyernes ng madaling araw, Mayo 10, sa Brgy. Tangke lungsod ng Talisay kung saan nasabat ang shabu na nagkakahalaga ng P8.1 million pesos.
Nakilala ang naarestong na si Joey Gabrillo, 29 anyos at isang electrician.
Inihayag ni PLt Col Epream Paguyod, Officer in charge ng Talisay City Police station na ginawa ang pag-aresto matapos makatanggap sila ng ulat sa iligal na aktibidad ni Gabrillo na nagsilbi pa umanong bodegero.
Makapagdispose pa umano ito ng dalawang kilo ng shabu sa nabanggit na barangay maging sa mga kalapit na lugar at sa bayan ng Minglanilla.
Sinabi pa ni Paguyod na nagmula sa isang preso ang source sa droga ng naarestong suspek ngunit hindi na binanggit pa kung saang kulungan dahil patuloy pa aniya ang kanilang isinagawang imbestigasyon.
Hindi rin umano nito masasabing drug syndicate dahil may mga follow-up operation pa silang isinagawa.
Sa ngayon nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.