LEGAZPI CITY – Tagumpay kung ituring ng Guinobatan Municipal Police Station ang pagkakaaresto sa isang high-value target sa isinagawang buy-bust operation sa Provincial Road, Purok 1, Brgy. Maipon, Guinobatan, Albay.
Matagal nang sinusubaybayan ang kilos ni Edgar Apellado Jr., 36-anyos, residente ng Brgy. San Rafael na kabilang rin sa Regional Recalibrated Priority Database.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCpl Michael Namoro, imbestigador ng Guinobatan PNP, dati na rin itong isinailalim sa programa para sa mga drug surrenders subalit muling bumalik sa iligal na transaksyon.
Nagsisilbing courier ang suspek na nagsusuplay sa Albay at Sorsogon at itinuturing na “trusted drop off point” ng binabiyaheng shabu deliveries mula sa Metro Manila.
Sa katunayan, nang maaresto, dala pa nito ang malaking bulto ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 50 gramo at market value na P340,000 na sinasabing sa Manila pa nagmula.
Kabilang pa sa mga nakumpiska ang P150,000 na ginamit na buy-bust money.
Hindi na rin nagtangka pang manlaban ang suspek at nakatakda nang sampahan ng kaukulang kaso.