Isinusulong ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pagbabalik ng buong P2 billion mandagong pondo para sa Sugar Industry Development Act (SIDA) programs sa 2024.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona kapag dinoble ang pondo mula sa P1 billion sa P2 billion, madodoble din ang pondo para sa block farms at socialized credit na malaking tulong para sa mga land reform beneficiaries.
Sa ilalim kasi ng SIDA, maglalaan ang pamahalaan ng P2B kada taon para sa mga programa na layuning maitaguyod ang competitiveness ng sugracane industry gayundin para mapalago pa ang kita ng mga magsasaka at farm workers.
Subalit sa ilalim ng panukalang 2024 national budget, ang inaprubahan lamang para sa SIDA ay nasa P1 billion, nabawasan mula sa P2 billion dahil hindi pa na-utilize ng buo ang taunang pondo.
Ipinaliwanag naman ng SRA chief na ang 3 taong pagkaantala sa pagbili ng P500 million halaga ng sugar machinery at equipment na ilan sa mga dahilan ng pagtapyas ng alokasyon para sa SIDA programs.
Sa kasalukuyan 50% ng SIDA fund ang nagugol na para sa konstruksiyon ng farm to market roads habang 50% naman ang nakalaan para sa research and mechanization, socialized credit, block farms dev’t at scholarships.