-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Tinatayang mahigit na sa P249 trilyon ang pinsala sa mga coral reefs dala ng aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Prof. Kim Gargar, ang tagapagsalita ng grupong AGHAM o Advocate of Science and Technology for the People, mula ang naturang pagtaya sa mga marine scientist na ibinase naman sa 16,000 ektarya ng mga coral reef na nasira dahil sa reclamation project at pangingisda ng mga Chinese vessels.

Nasa P30 milyon naman ang nawawala sa bansa sa bawat taon dahil sa mga agresibong aktibidad ng China sa Philippine Sea.

Dahil dito, nanawagan si Prof. Gargar kay Pangulong Rodrigo Duterte na gumawa na ng aksyon patungkol sa isyu lalo pa’t hindi malayong magkaroon na ng kakulangan sa suplay ng isda kung magpapatuloy ang ganitong sistema.

Pinangangambahan din ng grupo na hindi titigil ang China at magpapatuloy pa sa pang-aagaw ng teritoryo ng bansa kung hindi magpapakita ng pagtutol ang kasalukuyang administrasyon.