-- Advertisements --

Ipinahayag ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, na posible pero matagal pang mangyayari ang nais ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing Php 20 na lamang ang kada kilo ng bigas.

Ani Dar sinabing ito ni Marcos Jr. ay long term goal para sa bansa kung saan ay kinakailangang mag-doble kayod ng gobyerno para makamit at maisakatuparan ito.

Paliwanag niya, marami pa raw kasing dapat na isaalang-alang ang pamahalaan bago ipatupad ito sa bansa kabilang na ang pagsasanay sa mga magsasaka sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at istrahiya at gayundin ang pagbabawas sa post production sa pagsasaka.

Samantala, nagpahayag naman ng kahandaan si Dar sa napipintong pagpapalit ng administrasyon sa Pilipinas.

Sa katunayan pa aniya ay mayroon na raw silang ginawang 10-year directional strategic plan kabilang na ang iba’t-ibang mga programa, proyekto, at policy reforms ng kagawaran.

Sa ngayon ay nakahanda na rin aniya ang kanilang transition report at maging ang pakikipag-ugnayan sa susunod na mauupong kalihim ng Department of Agriculture.