-- Advertisements --

Aabot sa P2.4 million na halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng Bureau of Customs (BoC) sa isang barko sa Port of Zamboanga.

Nasabat ang mga kontrabando matapos mapigil ang isang MJ Champion vessel sa karagatang sakop ng Istanbak, Lower Calarian, Zamboanga City.

Sa bisa ng warrant of seizure and detention, nakuha ang mga sigarilyo sa 93 kahon sa isang wooden watercraft na kung tawagin ay “Jungkung” na mula sa Jolo, Sulo na nakatakdang dalhin sa mga pamilihan sa Zamboanga City.

Mahaharap naman ang hindi pa pinangalanang consignee ng mga smuggled na sigarilyo sa kasong paglabag sa Executive Order No. 245 o ang Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products at Section 117 ng RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.

Noong September 18, papalo sa 30 kahon ng mga smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P900,000 ang nasabat sa dalawang hatch back type vehicles sa Pier Area sa Zamboanga City.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng BoC, Philippine Coast Guard (PCG), Task Force Aduana, Naval Intelligence and Security Group Western Mindanao at Naval Special Operations Unit.