-- Advertisements --

Nakadetain na sa Cebu Police Provincial Office(CPPO) detention cell ang dalawang high value individual matapos ang isinagawang buy bust operation Linggo ng gabi, Setyembre 18, sa Brgy. Mohon lungsod ng Talisay kung saan nasabat ang bulto-bultong pakete ng shabu.

Nakilala ang mga naaresto na sina Stephen Mitante, 19 anyos, at Jerry Bionson, 29 anyos kapwa residente ng Brgy. Suba nitong lungsod ng Cebu.

Nakumpiska mula sa posisyon ng mga suspek ang halos dalawang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P13.6 million pesos.

Ayon sa pulisya, inabot ng halos isang buwang surveillance ang isinagawa laban sa dalawa.

Nag-ugat pa ang operasyon matapos lumabas ang pangalan ng mga ito na sangkot sa illegal drug trade.

Makapagdispose umano ang mga suspek ng isang kilo ng shabu kada linggo hindi lang sa probinsiya ng Cebu kundi maging sa Cebu City at tatanggap ng suhol na P10,000 bawat matagumpay na pagdeliver.

Taong 2018 nang nakulong rin si Mitante dahil pa rin sa droga.

Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ang mga posibleng pinagmumulan ng nakumpiskang iligal na droga.

Nahaharap naman ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.