KALIBO, Aklan- Mahigit P11 bilyon ang lugi ng lalawigan ng Aklan sa industriya ng turismo mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) hanggang sa ibaba ito sa general community quarantine (GCQ) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa pagtataya ng Department of Tourism (DoT) Region 6, nasa P11.33 bilyong tourism receipts ang nawala sa lalawigan dahil sa lockdown sa isla ng Boracay mula noong Marso hanggang nitong buwan ng Mayo.
Inaasahang kikita sana ang Boracay nang tinatayang P6.94 billion mula sa dayuhang turista at P4.39 billion mula naman sa local tourists sa nakalipas na dalawang buwan.
Ito ay batay sa tourist arrivals sa Boracay sa kaparehong period noong 2019.
Malaki aniya ang naging epekto sa pagkansela ng biyahe ng mga turista lalo na sa kalagitnaan ng Chinese New Year.
Inaasahan ng probinsiya na maaaring magpatuloy pa ang negatibong epekto sa turismo ng COVID-19 pandemic hanggang sa susunod na mga buwan.
Nasa 2.2 milyon ang tourist arrival sa Boracay noong nakaraang taon na kumita ng halos P62.5 bilyon sa tourism receipts.

















