Nakaamba sa susunod na linggo ang big time oil price hike sa mga produktong petrolyo na muling magpapahigpit ng sintoron ng mga motorista.
Ayon sa isang source mula sa industriya ng langis, maaaring tumaas ng P9.50 hanggang P10.50 kada litro ang presyo ng diesel.
Habang inaasahan namang madaragdagan ng P3.50 hanggang P4.50 kada litro ang presyo ng gasolina.
Sinabi ng source na pangunahing dahilan ng inaasahang oil price hike ang muling pagtaas ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Kabilang dito ang pag-atake ng Iran sa mga commercial ship na dumaraan sa Strait of Hormuz at ang mga isinagawang pagganti ng Estados Unidos sa mga military asset ng Iran.
Dagdag pa rito, nakaapekto rin sa presyo ng langis ang pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay, pagbawas ng trapiko ng mga barko sa Strait of Hormuz, at pagbaba ng Russia sa pag-export ng diesel.
Samantala, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak ng United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program upang makatulong sa mga pamilyang maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng programa, tinatayang 7.5 milyon at 500,000 kabahayan, o mahigit 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa, ang makatatanggap ng tulong-pinansyal.
Kabilang dito ang 3.5 milyong benepisyaryong Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program, na tatanggap ng isang beses na ayudang aabot sa P2,000.
















