Nag-alok na ng P1 million bilang reward money ang provincial government ng Zamboanga del Sur para sa magsisilbing daan sa pagkaaresto sa mga kumidnap sa isang British national at asawa nitong Pinay.
“The provincial government of Zamboanga del Sur is exhausting all measures to rescue the lives of the Hyrons couple who were abducted by unidentified gunmen at their resort in Tukuran on Friday night,” bahagi ng statement.
Una nang kinilala ang mga biktima na sina Allan at Wilma Hyrons, negosyante at may-ari ng isang pribadong eskwelahan at resort sa lugar.
Batay sa inisyal na ulat, anim na armadong lalaki ang nakitang dumukot sa mag-asawa habang nasa loob ito ng kanilang Hyrons Resort sa Barangay Alindahaw.
Kuwento naman ng ilang nakakita sa kidnapping incidente, sumakay sa pump boats ang mga kidnappers at itinakas ang kanilang mga biktima sa iba’t ibang direksyon.
Sinasabing binalaan na ni Tukuran Mayor Macario Tingson ang mag-asawa na maging alerto, kahit pa 15 taon na silang naninirahan sa kanilang bayan.
Sa ngayon, isa sa tinitignang motibo ng mga otoridad ay ang kidnap-for-ransom scheme.