-- Advertisements --

Muling binuksan ni Vice President Leni Robredo ang kanyang tanggapan para sa mga interesadong tumulong sa patuloy na responde nito sa COVID-19 pandemic.

Tugon ito ng pangalawang pangulo kasunod ng pagdedeklara sa 15-araw na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

“Sa pagbalik ng Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), muling ihahandog ng ating Tanggapan ang ilang services na ating sinimulan noon para sa frontliners dito.”

Ayon kay VP Leni, maaaring magpadala ng pangalan at contact details sa kanilang email address na ovpcovid19volunteers@gmail.com ang mga interesadong maging volunteer.

“Abangan rin ang updates dito sa ating official Facebook page at iba pang social media platforms. Maraming salamat sa inyong pakikiisa!”

Mula noong Marso ilang inisyatibo na rin ang sinimulan ng Office of the Vice President, kasama ang mga partners mula sa private sector, para makatulong sa mga naapektuhan ng lockdowns.

Kabilang na dito ang libreng shuttle service, dormitoryo at pamimigay ng food packages sa mga frontliners; at pagbili ng locally-made testing kit at personal protective equipments.