Nakahanda ang Department of Migrant Workers (DMW) na magbigay ng tulong sa mga overseas Filipino workers na apektado ng lindol sa Taiwan.
Dahil dito, inatasan ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang ahensya, Philippine Overseas Labor Office, at iba pang labor officials sa Taiwan na magbigay ng update ukol sa
sitwasyon doon matapos ang lindol.
Tiniyak ng kalihim na mabigyan ng tulong mula sa kanilang ahensiya ang mahigit 147,000 na mga OFW sa Taiwan at mga pamilya nito.
Napag-alaman na sa kasalukuyan ay wala naitatalang Pilipino na biktima sa nangyaring pagyanig sa Taiwan.
Wala ring naitatalang pinsala sa mga OFW worksites at dormitories.
Matatandaang niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang timog-silangang bahagi ng Taiwan noong Linggo kung saan isa ang naitalang patay at mahigit 100 ang sugatan.