Nagpasalamat ang organizers ng MCGI (Members Church of God International) Free Store sa pagdami ng mga free store at nasundan pa ng community pantries sa iba’t-ibang lugar.
Ayon kay Bro. Danny Navales, binuksan lang nila ito muli kamakailan dahil sa maraming nawalan ng kabuhayan bunsod ng COVID-19 pandemic.
Pero dati na umanong may ganitong gawain ang kanilang grupo na pinangungunahan ng preachers na sina Bro. Daniel Razon at ang yumaong si Bro. Eli Soriano ng Ang Dating Daan.
Katunayan ginagawa na rin ang free store sa ibang bansa, kung saan ang kanilang samahan din ang namamahagi ng ayuda sa iba’t-ibang lahi, kasama na ang Brazil, Estados Unidos at maraming iba pa, kasama na ang Asian countries.
Nagsimula umano ito mahigit isang dekada na, kasabay ng munting pangarap projects, kung saan tinutupad naman ang mga munting request para sa kabuhayan at personal na pangangailangan.
Mayroon din silang “feeding program,” bahay ampunan, libreng pag-aaral at “libreng sakay buses” na bumabyahe sa Metro Manila, kung saan may libreng pagkain at Biblia.
Ayon pa kay Navales, hindi naman patented ang paggawa ng mabuti at pwede rin itong gayahin sa iba pang komunidad para lumaganap ang kabutihan.
Maging ang nangangasiwa ng ilang community pantry na si Patricia Non ay masaya rin sa nakukuhang suporta ng kanilang pagtutulungan sa komunidad.
Umani na ng papuri mula sa Malacanang Senado, Kamara at iba pang sektor ang ganitong gawain, na para sa ilan ay makabagong paraan ng bayanihan.










