-- Advertisements --

Inaprubahan na ng konseho sa lungsod ng Cebu ang ordinansa na magpapataw ng multa sa mga lumabag sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Pinamunuan ito nina Konsehal David Tumulak, Raymond Alvin Garcia, at Philip Zafra.

Kasama sa paglabag ay ang paglabas nang walang ECQ pass, walang suot na face mask at speed limit sa mga sasakyan.

Gagamitin lang ang ECQ pass kung bibili ng mahahalagang bagay, medical supplies, sa mga trabahante ng mga exempted na establisyemento o mga authorized persons ourtside residence (APOR) at para sa iba pang mahahalagang pakay.

Alinsunod na rin sa ordinansa ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P3,000 o pagkabilanggo nang hindi bababa sa 30 araw depende sa korte para sa first offense; hindi naman bababa sa P5,000 at 30 araw sa kulungan para sa second offense; at multang P10,000 at 30 araw naman na pagkabilanggo para sa third offense.

Kasama sa multa ang pagpatigil ng mga benepisyo at allowance na ibinigay ng lokal na pamahalaan ng lungsod sa loob ng dalawang taon mula sa pagpapataw ng mga parusa.

Maaari ring matanggalan ng permit o mapasara ang isang negosyo sa oras na lumabag sila sa naturang patakaran.