-- Advertisements --

Opisyal ng fraternity sa Cebu, binaril-patay ng riding-in tandem suspect; Pulisya, nagsagawa ng hot pursuit operation laban sa mga suspek

Nakakuha na kopya ng CCTV footage ang pulisya sa lugar kung saan binaril patay ang isang lider ng fraternity sa Brgy. San Isidro San Fernando Cebu.

Kinilala ang biktima na si Lloyd Procianos, Grand Skeptron (GS) ng Alpha Kappa Rho, San Fernando Council.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PSMS Marvin Ando, Investigator ng San Fernando Police station, sinabi nitong sinusuri pa nila ang video footage na maaaring makatulong sa pangangalap ng karagdagang impormasyon tungkol sa mga suspek.

Ayon kay Ando, sinabi ng mga saksi sa lugar na nakarinig sila ng putok ng baril at natagpuan na lang ang biktima na nakahandusay at naliligo sa sariling dugo.

Naisugod pa umano ito sa pagamutan ngunit dahil sa natamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima ay binawian ito ng buhay.

Idinagdag pa nito na maraming anggulo ang tinitignan nila kabilang na ang pagiging miyembro nito ng fraternity at sa aspetong politikal ngunit patuloy pa nila itong iimbestigahan.

Samantala, nagsasagawa ngayon ng hot pursuit operation ang pulisya laban sa dalawang suspek na umano’y nakasuot ng itim na sando at itim na hooded jacket.

May nakuha na rin umanong background ng biktima ang mga otoridad, gayunpaman, hindi na muna ibinunyag upang maiwasang malagay sa alanganin ang isinasagawang imbestigasyon.