Unti-unti nang nagsidatingan ang mga taong gustong manood at masaksihan ang engrandeng 50th Sinulog sa Carmen sa bayan ng Carmen Cebu sa kabila ng nararanasang makulimlim na kalangitan.
Ngayong umaga lang, Enero 22, ay nagkaroon ng final blocking at rehearsal ang mga contingents na lalahok sa grand showdown mamaya.
Mahigpit ang ipinatupad na seguridad sa lugar kung saan nakadeploy ang mga tauhan mula sa hanay ng PDEA-7, K9 Unit, Philippine Coastguard, Armed Forces of the Philippines, EOD, RCAU, Regional Medical Dental Unit, PNP Maritime at mga force multipliers.
Aabot sa 22 contingents ang lalahok kung saan 7 ang sumali sa local category, 7 sa Sinulog-based category at 8 sa Free interpretion category.
Magsisimula ang grand parade mamayang ala una ng hapon. Sisimulan naman ang pagtatanghal ng mga contingents sa local category dakong alas 3 ng hapon habang alas 6 ng gabi naman para sa mga lumahok sa open category.
Samantala, muling isasama ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu ang publiko sa pagpili ng mga mananalo para sa Sinulog sa Carmen OPEN CATEGORY o itong Sinulog-Based at Free Interpretation).
Ang mga online na boto ay bubuo ng 10% score ng mga performer.
Ang mga kwalipikadong online na botante ay magkakaroon din ng pagkakataong manalo ng bagong kotse na ipapa-raffle pagkatapos ng grand showdown.
Matatandaan na ipinatupad din ito noong Agosto ng nakaraang taon sa Pasigarbo sa Sugbo o Festival of festivals ng lalawigan.
Gaya ng ipinangako, maghahandog naman ng sayaw si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia kasama ang Sarok Festival Dancers ng Consolacion.










