-- Advertisements --

Kinasuhan ng Department of Transportation (DOTr) kasama ang Civil Aeronautics Board (CAB) ang isang online travel agency na nagbebenta umano ng overprice na plane tickets.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, natanggap nila ang naturang report kung saan ang isang one-way ticket mula Tacloban papuntang Manila ay nagkakahalaga ng mahigit 40,000. Aniya, kung ikukumpara ito sa nasa 12,000 lamang na binebenta sa mga airlines, malaki ang naging patong ng online travel agency.

Kaugnay nito, agaran namang naglabas ang Civil Aeronautics Board (CAB) ng cease and desist order o ang pagpapahinto ng pagbenta ng online travel agency ng airline tickets dahil ang mga presyo ay lumagpas sa aprubadong fare structures.

Samantala, inutusan na rin ng departamento ang Philippine National Police (PNP) Cybercrime na i-take down ang site ng online travel agency at nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Information and Communications Technology para tulungan din sila pagdating sa website.

Ayon kay Dizon, sunod na nilang ifa-file ang criminal economic sabotage case laban sa online travel agency. Dagdag pa niya, inutusan na rin ng nila ang Civil Aeronautics Board (CAB) na imbestigahan ang iba pang online platforms na pinaghihinalaang nananamantala sa sobrang singil sa mga plane ticket, hindi lamang sa Tacloban kundi pati na rin sa iba pang destinasyon.

Nilinaw naman ni Dizon na walang kinalaman ang multinational airline na kaparehas nila ng pangalan sa isyung kinasasangkutan ng online travel booking platform.

Hinimok din ni Dizon ang publiko na dumeretso ng mag-book ng plane tickets sa airline companies dahil regulated ang kanilang mga fare structure kaya siguradong hindi magpapatong ng mataas sa plane tickets. Nagbabala rin siya sa mga gagawa pa ng mga ito, aniya, kakasuhan nila ang sinomang nanamantala sa mga Pilipino.