-- Advertisements --

Hindi bababa sa 70 indibidwal ang inaresto ng mga tauhan ng Pambansang Pulisya matapos ang ikinasang operasyon sa isang online investment scam hub sa Barangay San Roque, Antipolo, Rizal.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, Securities and Exchange Commission , Rizal Police Provincial Office kasama ang Antipolo City Police.

Isinagawa ito sa bisa ng Warrant to Search Seize, and Examine Computer Data na inisyu laban sa may-ari ng gusali na sinalakay ng mga otoridad.

Kinilala ito bilang si alyas “Arthur” na lumabag umano sa Section 26 ng RA No. 8799 o mas kilala sa tawag na Securities Regulation Code na may kaugnayan sa Section 6 of RA No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nagsagawa na ng pagmamanman ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group Cyber Response Unit simula pa noong nakalipas na taon matapos ang ulat na ipinaabot ng Australian national na kumakatawan sa IFW Global na mayroon umanong isang investment scheme na target na biktimahin ang mga banyaga.

Kabilang sa mga naaresto matapos ang isinagawang raid ay mga menor de edad.

Kaugnay nito ay tiniyak ng PNP na magpapatuloy ang kanilang pagsasagawa ng mga kahalintulad na operasyon laban sa mga ilegal na aktibidad.