
Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang mga reklamo na inihain ng aktibistang si Reina Nasino laban sa jail at police officials kaugnay sa umano’y kanilang kalupitan sa kanya at sa kaniyang nasawing 3 buwang gulang na anak.
Kabilang sa mga respondent ay ang hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Manila Police District (MPD), Manila City Jail Female Dormitory (MCJFD), at iba pang pulis at jail officers.
Inakusahan ang mga ito ng mental o psychological torture at pagmamaltrato umano sa mga bilanggo at iba pang mga alegasyon.
Subalit sa hatol ng Ombudsman, ibinasura ang kasong administratibo at kriminal laban sa lahat ng respondent dahil sa kawalan ng probable cause at substantial evidence.
Samantala, pinatawan naman ng penalty of reprimand o pinagsabihan si Manila City Jail Female Dormitory Officer-in-Charge Ignacia Monteron dahil sa paglabag sa Expanded Breastfeeding promotion Act of 2009.
Matatandaan, bagong panganak pa lamang si Nasino sa kanyang anak na babae na si River nang maaresto ito para sa umano’y illegal possession of firearms at explosives noong July 2020.
Sa kabila ng kanyang apela na manatili ng isang taon kapiling ang kanyang anak para ma-breastfeed nito ang kaniyang anak, ipinag-utos pa rin ng korte na mahiwalay ito mula sa kanyang anak.
Nagbunsod ito ng pagkaospital ng sanggol na anak ni Nasino at namatay kalaunan dahil sa pneumonia makalipas ang tatlong buwan.
Inabswelto naman si Nasino sa kanyang kaso noong Hulyo 2023 dahil sa paiba-ibang testimonya ng mga testigo ng prosekusyon na nagpagulo sa ebidensiyang hawak ng prosekusyon.










