Nagpaabot ng kanyang pagbati si Vice President Leni Robredo sa mga Pilipinong atleta na kalahok sa Tokyo Olympics.
Unang binati ni Robredo ang Filipina boxer na si Nesthy Petecio matapos niyang talunin ang kanyang nakalaban na Italian boxer sa featherweight boxing semifinals.
Sa ngayon, isang panalo na lang ang kailangan ni Petecio para masungkit ang Olympic gold medal dahil pasok na siya sa championship round.
Kamakailan lang, nakagawa ng kasaysayan si Hidilyn Diaz nang makuha niya ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics.
Sa isang Twitter post, sinabi ni Robredo na excited siya para sa posibleng pagkakasungkit ng Pilipinas ng ikalawang gintong medalya sa Olympics dahil sa tagumpay ni Petecio ngayong araw.
Pinuri rin ng bise presidente ang dalawang iba pang Pilipinong atleta na nanalo rin sa kanilang sinasalihang sporting event sa Summer Games.
“Congratulations rin kina EJ Obiena at Carlo Paalam sa pag-advance sa kani-kanilang sporting events today! (Congratulations to EJ Obiena and Carlo Paalam on advancing in their respective sporting events today!),” ani Robredo.
“Proud kami sa inyo — at patuloy na magdadasal at magchi-cheer para sa inyo at sa iba pa nating Pinoy athletes na sumasabak sa Olympics (We are proud of you and we will continue to pray and cheer for you and other Filipino athletes competing in the Olympics),” dagdag pa nito.










