Dumipensa ang Malacanang sa hindi kaagad paglalabas ng dokumento na nag-uutos sa top diplomat ng bansa na sabihan ang Estados Unidos hinggil sa pormal na pagtutuldok sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panaleo na bukas posibleng mailabas ang naturang dokumento.
“Kailangan mo siyempre ‘yun, may executive document or rather in writing ‘yung instruction sa opisyal mo. Hindi naman pwedeng verbal-verbal lang,” saad ni Panelo sa isang panayam.
Hindi aniya ito kaagad nailabas dahil sarado ang mga opisina ng pamahalaan tuwing weekends habang nasa Davao City naman si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahapon, Pebrero 8, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na hindi pa niya natatanggap ang opisyal na utos ni Pangulong Duterte patungkol sa magiging trabaho ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na may kaugnayan sa termination ng VFA.
Maging si Defense chief Delfin Lorenzana ay kinumpirma rin na wala pang nailalabas na dokumento si Pangulong Duterte hinggil sa naturang usapin.









