-- Advertisements --
Supreme Court

Todo ngayon ang panawagan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na i-lift na ang temporary restraining order (TRO) laban sa no-contact apprehension policy (NCAP) na ipinatutupad ng ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila.

Ginawa ni Solicitor General Menardo Guevarra ang apela sa en banc kasabay sa pagdepensa nito sa maanomalyang polisiya ng pamahalaan.

Kung maalala noong buwan ng Agosto, nag-isyu ang Supreme Court ng TRO laban sa pagpapatupad ng naturang polisiya matapos dumulog ang mga transport groups Kapit, Pasang Masda, Altodap at Alliance of Concerned Transport Organizations sa Korte Suprema.

Inirereklamo ng mga petitioners ang local ordinances na may kinalaman sa NCAP sa limang lugar sa Metro Manila kabilang na ang Manila, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa at Parañaque.

Inihirit din ng abogadong si Atty. Juman Paa sa kataas-taasang hukuman na ideklara ang NCAP na unconstitutional at mag-isyu ng TRO laban sa Manila City Ordinance No. 8676 na sakop ng polisiya.

Sinabi ni Guevarra na bigong patunayan ng mga transport groups ang umano’y actual o threatened injury habang ang naging argumeto ni Paa ay na-ugat dahil sa kanyang sariling paglabag sa traffic rules.

Dagdag ni Guevarra, ang naturang polisiya ay solusyon sa tumitinding traffic situation dahil na rin sa paglobo ng bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila at ang NCAP ay maituturing na innovative solution.

Binigyang diin ng Solicitor General na dahil sa No Contact Apprehension Policy ay nasa 79 percentng mga violators sa Manila ay non-repeat offenders.

Sa isinagawang oral argument ay present ang 14 na mahistrado at ang panig ng mga petitioners.

Samantala, ipagpapatuloy naman ang oral arguments sa naturang petisyon sa Enero 24, 2023.