-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala si National Security Adviser, Secretary Eduardo Oban Jr. sa panibagong pahayag ng Chinese scholars na ang Batanes ay bahagi ng teritoryo nito.

Nanindigan ang kalihim na bahagi ng Republika ng Pilipinas ang Batanes, at walang anumang kuwestyon ukol dito.

Mahalaga din aniyang mapag-ukulan ito ng pansin, ngayon at mamarkahan na ang ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Ruling.

Isang taon mula noong makamit ng Pilipinas ang tagumpay, nananatili aniya ang mga hamon at aral sa naturang panalo.

Ayon kay Sec. Oban Jr., hindi lamang nanalo ang Pilipinas ng mga argumento sa Arbitral Ruling kundi prinotektahan din nito ang sariling teritoryo, mismong mga Pilipino, at ang hinaharap ng bansa.

Binigyang-diin din ng kalihim na ang naturang award ay paalala sa walang-basehang naratibo ng China na kalaunan ay ginamit bilang isang claim para isa-normal, at bigyang-katwiran ang kanilang pananatili at pangangamkam sa West Philippine Sea.

Dahil dito, hindi aniya papayagan ng PH government ang pagkalat ng ‘manufactured history’ para lamang gamitin upang kuwestyunin ang isang teritoryo na malinaw na pag-aari ng Pilipinas.

Batid na aniya ng gobiyerno kung paano nagsisimula ang mali at walang-basehang claims at hinding-hindi ito hahayaang mangyari muli ng bansa.

Ayon kay Sec. Oban, ang Batanes ay sa Pilipinas, at mananatili itong bahagi ng Republika.