-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Iniimbestigahan ng militar ang commanding officer at dalawa pa, kasama ang isang limang buwan na buntis na amasona ng CPP-NPA Southern Mindanao Regional Committee, nang mahuli sa kasagsagan ng engkuwentro sa bayan ng Kitaotao, Bukidnon.

Kinilala ni 10th ID, Philippine Army spokesperson Maj Jerry Lamosao ang mga naaresto na sina Leonardo Ejanel alias Gamay, 37; Ryan Desalao at Merlyn Benano Bentang alyas Lalay, 20, lahat residente sa lugar.

Inihayag ni Lamosao na naganap ang engkuwentro nang maabutan ng kanilang tropa ang isinumbong ng mga sibilyan na presensiya ng mga rebelde kaya sumiklab ang ilang minutong pagpapalitan ng mga putok.

Nagkahabulan ang dalawang panig hanggang sa na-corner ang tatlong suspek dahilan para mahuli at madala sa military headquarters upang isasailalim ang mga ito sa tactical interrogation.

Nilalapatan naman ng paunang lunas si Bentang dahil sugatan ito habang bitbit ang kalibre 45 na baril nang maabutan ng mga sundalo.

Narekober ng militar ang M-16 rifle; tatlong magazines; 88 rounds ng 5.56mm ammunitions; dalawang cellphones; mga gamot; pagkain at dalawang backpacks.

Nahukay rin ng mga sundalo ang ibinunyag ng mga rebelde na inilibing nila na mga karagdagang baril na kinabibilangan ng M-16 rifle; dalawang colt M-16 rifle; tatlong bandoleers at 268 rounds ng caliber 5.56mm na mga bala.

Nakatakdang i-turnover ng militar ang mga arestadong rebelde sa pulisya kung matapos na itong maiimbestigahan at makunan ng mga mahahalagang impormasyon.