-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mariing pinabulaanan ng North Cotabato PNP na sangkot ang mga pulis sa brutal na pamamaril sa siyam na katao sa bayan ng Kabacan na ikinasawi ng mga biktima.

Ayon kay North Cotabato Police Provincial Director Col. Henry Villar na walang kinalaman ang mga pulis sa pananambang sa naturang mga biktima.

Katunayan umano ay sila ang unang kumilos upang isugod sa ospital ang mga ito upang mailigtas pa ang mga biktima ng pamamaril.

Nananawagan rin ito sa mga mamamayan na huwag basta-basta maniwala sa mga kumakalat na mga post sa social media.

Reaksyon ito ng opisyal matapos ibinunyag ng ilang netizen na ilang mga pulis diumano ang sangkot sa pamamaril sa USM-granary and machinery.

Ibinunyag rin umano ng isa sa mga biktima ng pananambang na mga pulis umano ang bumaril sa kanila, bago binawian ng buhay.