Binigyang-diin ni National Task Force against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan na talagang pursigidong i-modernize ang healthcare system sa bansa.
Sa kanilang pulong kagabi kay Pangulong Duterte, sinabi ni Sec. Galvez na matagal ng napabayaan ang healthcare system sa bansa at lalong naglutangan ang mga problema nang dumating ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Sec. Galvez, dahil sa COVID-19, napabayaan ang ibang sakit na kabilang sa pangunahing sanhi ng pagkakamatay ng mga Pilipino.
“Kailangan po talaga, on my personal opinion, kailangan na po nating i-modernize ang ating healthcare system. Matagal na pong napabayaan ang ating healthcare system kaya ngayon nakikita natin na malaki ang ating gap na hinaharap,” ani Sec. Galvez.
Inihayag ni Sec. Galvez na dumami ng apat na beses ang mga naitalang kamatayan na walang kinalaman sa COVID-19 noong Marso at Abril dahil hindi na naasikaso ng mga ospital at takot din magpunta sa pagamutan ang mga non-COVID patients dahil sa takot na mahawaan ng virus.
“Ayon po sa datos, meron po tayong top 10 leading causes of death in the Philippines at nakita po natin dito ‘yung heart disease, ‘yung cancer, chronic respiratory [illness], saka diabetes,” pahayag ni Sec. Galvez.
“Sa ating datos no’ng March saka April, times four po ang casualty natin sa mga non-COVID cases kaya ang ginagawa natin sa stratehiya natin ay pinalalakas natin ‘yung preparation natin sa mga renal patient katulad po no’ng ginawa natin sa Cebu.”
Kabilang sa naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang serbisyo ng Philippine General Hospital Cancer Institute sa mga cancer patients.
Nasuspendi rin ang organ donation at transplants ng National Kidney and Transplant Institute para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.
















