Ipinahayag ng mga progresibong grupo ang kanilang pagtutol sa “Pax Silica” bago pa man ang nakatakdang ikalimang ulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes, Hulyo 27.
Nagtipun-tipon ang mga ito sa may Elliptical Road sa Quezon City, kung saan makikita ang isang puting sasakyan na may nakapaskil na tarpaulin at may nakasulat na “NO to PAX SILICA.”
Ang Pax Silica ay isang inisyatibo na pinangungunahan ng Estados Unidos para sa industriya ng artificial intelligence (AI) at semiconductor. Layunin nitong palakasin ang suplay ng teknolohiya at computer chips, at bawasan ang pagdepende sa mga piyesa na galing sa China.
Subalit kamakailan ay umani ito ng batikos sa publiko dahil sa planong pagtatayo ng isang malaking industrial hub sa New Clark City sa Tarlac para sa pagproseso ng mga mineral at paggawa ng mga gamit para sa AI.
Sabi ng pamahalaan, magbibigay ito ng maraming trabaho, mas mataas na sahod, at mga bagong kaalaman sa teknolohiya.
Habang may pangamba naman dito ang ilang grupo na baka maubos ang tubig at kuryente o masira ang kalikasan, at madamay ang bansa sa gulo ng ibang malalaking bansa.














