Opisyal nang isinailalim ang Negros Oriental sa Commission on Election Control noong Biyernes, Oktubre 20, ayon kay Commision on Election Regional Director Atty. Lionel Marco Castillano.
Ito’y matapos na inaprubahan na ng Commission on Election en banc ang operational plan kung saan sa ilalim nito, ang Regional joint security control center ang siyang magkakaroon ng kontrol at pangangasiwa sa pagpapatupad nito.
Ginawa nito ang pahayag kasabay ng isinagawang send-off ceremony nitong Lunes sa Ssecurity forces mula sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Coast Guard na idi-deploy sa iba’t ibang bahagi ng Central Visayas para masiguro ang ligtas at mapayapang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sinabi pa ni Castillano na isasapinal pa nila ngayong linggo ang security at deployment plan ng nasabing lalawigan dahil sa pagdating ng karagdagang pwersa mula sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Saad pa nito na nasa 95% ang kanilang security forces at deployment sa rehiyon para sa araw ng halalan kung saan ang natitirang limang porsyento ay ang deployment nalang ng mga guro, security personnel at balota sa araw bago ang halalan.
Panawagan pa nito sa mga kandidato at mga tagasuporta na hayaang bumoto ng malaya ang mga tao at huwag takutin ang mga ito.










