-- Advertisements --

Ipinayo ng National Disaster Risk Reduction Management Council sa mga residenteng malapit sa Bulkang Taal ang pagsusuot muli ng face mask.

Maliban dito, ipinayo rin ng ahensiya na iwasan muna ang mga outdoor activities.

Auon kay Civil Defence Administrator at NDRRMC Executive Director Usec Ariel Nepomuceno, kailangan muli ng mga residente na magsuot ng face mask upang maprotektahan ang mga ito laban sa volcanic smog o vog.

Malaki ang epekto nito aniya sa mga taong may asthma, lung disease, heart disease, at maging sa mga bata at nakakatanda.

Kasabay nito, pinayuhan din ng opisyal ang mga Local Disaster Risk Reduction Management Council sa lugar na maging handa sakaling lalo pang lumala ang aktibidad ng bulkan.

Ang volcanic smog o vog ay maliliit na droplets sa hangin na binubuo ng volcanic gas katulad ng sulfur dioxide na maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract ng sinumang makakalanghap.