-- Advertisements --

Naglunsad ng nationwide Pre-Summit consultation sessions ang Commission on Elections sa pangunguna ni Comelec Commissioner Nelson Celis.

Layunin nito na talakayin ang ilang mga usapin na may kaugnayan sa gaganaping 2023 National Election Summit na pangungunahan ng komisyon sa kabila ng nararamdamang agam-agam ng ilang civil society organizations hinggil sa transparency ng eleksyon.

Sa isang press briefing ay ibinahagi ni Celis na kabilang sa mga mapag-uusapan sa nasabing Pre-summit consultations ay ang ilang isyu na may kaugnayan sa hybrid elections.

Dito ay binigyang-diin niya ang kahalagahan ng transparency para sa katiyakan ng isang tapat at malinis na halalan.

Aniya, isa sa mga paraan upang masiguro ito ay ang pagsasagawa ng public counting kung saan makikita mismo ng taumbayan kung saan napapabilang ang kanilang boto, bagay na may pagkakahawig din sa hybrid election system.

“Kung titignan natin ‘yung RA 9369 kung hybrid [election system] ang titignan natin pwede nating gawing fully automated ang hybrid, pwede natin gamiting ‘yung existing system na paper-based or direct recording electronic. Kasi nakasaad naman po sa batas, there are two technologies that are allowed which is ‘yung paper-based (Optical Mark Reader) and Direct Recording Electronic,” ani Celis.

Ang COMELEC ay mayroong kapangyarihan na ipatupad ang Republic Act 9369 o ang Automated Election Law, hangga’t mayroon inilalaang pondo ang Kongreso rito.

Ngunit mula noong 17th Congress hanggang 19th Congress ay may ilang mga panukalang batas pa rin ang nakabinbin sa Senado at House of Representatives na may kaugnayan sa pagpapatupad ng hybrid election system sa Pilipinas.