Masayang ibinahagi ni national triathlon coach Roland Remolino na naging maganda ang performance ng Pinoy triathletes sa 2023 Asia Triathlon U23 and Junior Championships sa Gamagori, Japan nitong weekend.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Remolino, sinabi nitong sa 15 na kumakatawan sa Pilipinas, 5 sa mga ito ang pasok sa Top 10.
Ito ay kinabibilangan nina Cambodia SEA Games bronze medalist Andrew Kim Remolino na nasa pampitong pwesto sa Under 23 Men’s category; pang siyam na pwesto si Raven Faith Alcoseba sa Under 23 Women’s; si Matthew Hermosa sa pampitong pwesto para sa Junior Men habang sa Junior Women category sina Kira Ellis na nasa pang-anim na pwesto at Samantha Corpuz sa pangwalo.
Kwento pa ng triathlon coach na hindi rin umano madali ang nasabing kumpetisyon dahil sa malamig na panahon doon at mautak at malalaking mga kalaban samantalang ang mga Pinoy triathletes ay maliit lang.
Ibinunyag pa ni Remolino na wala na silang pahinga dahil pag-uwi pa umano nila sa bansa ngayong darating na Hunyo 28 ay lilipad din naman agad sa Hunyo 29 patungong Malaysia para lahukan ang Southeast Asian Championship.