-- Advertisements --
dilg spox jonathan malaya

Nanindigan ang National Security Council (NSC) na walang intensyon ang Pilipinas na makialam sa internal affairs ng China sa Taiwan.

Ginawa ng konseho ang naturang pahayag matapos batikusin ni Chinese Ambassador Huang Xilian ang pinalawig na access ng Estados Unidos sa mga base militar ng Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Naalarma din ang Chinese envoy sa karagdagang EDCA sites sa bansa.

Sa isang pahayag, iginiit ng tagapagsalita ng NSC na si Jonathan Malaya na hindi papayag ang Pilipinas na gamitin ito ng ibang mga bansa para manghimasok sa tumitinding tensyon sa Taiwan, ang isang self-governed democratic island na inaangkin ng China bilang bahagi ng teritoryo nito.

Aniya, nilinaw ni National Security Adviser Eduardo Año ang kanilang katayuan na ang pinaigting na kooperasyong panseguridad sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ay naglalayong palaguin at palakasin pa ang mga kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maprotektahan at maipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas at hindi nito nilalayong pigilan o kontrahin ang alinmang bansa sa rehiyon o makialam sa mga gawain ng ibang bansa.

Dagdag pa ni Malaya na pangunahing nababahala ang Pilipinas kaugnay sa pagpapabuti ng defense capability, pag-modernize ng mga kagamitan at assets, at pagpapaunlad sa ating imprastraktura na dahilan kung bakit pinapalakas pa ang ating defense cooperation sa Estados Unidos sa ilalim ng mahigit pitong dekada ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Tiniyak din ng tagapagsalita ng NSC na ang Pilipinas ay patuloy na sumusunod sa One China Policy, gayundin sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) principle of non-interference in approaching regional issues.

Giit pa ni Malaya na kanilang prayoridad sa Taiwan ay ang kaligtasan at kapakanan ng mahigit 150,000 mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa isla at walang exception dito ang sinumang bansa na gamitin ito upang takutin at iintimidate ang ating bansa.

Maaalala na una ng pinayuhan ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang gobyerno ng Pilipinas na tutulan ng walang pagaalinlangan ang kasarinlan ng Taiwan kung talagang nagmamalasakit ito sa 150,000 overseas Filipino workers (OFW) doon sa Taiwan.