Umaapela ng suporta si House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. sa mga kapwa niya kongresista na suportahan at ipasa ang panukalang bigyan ng national health center ang mga nakatatanda sa bansa.
Ginawa ito ni Abante sa gitna na rin ng pagkalat ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease, na ayon sa mga eksperto ay mataas ang banta sa mga lolo at lola.
Isinusulong ni Abante ang kanyang inihaing House Bill 3939 na magco-convert sa National Center for Geriatric Health (NCGH) sa National Geriatric Health and Research Institute (NCGHRI).
Hangad din ng panukala niyang ito na magtatag ng ospital na nakatutok sa pagbibigay ng serbisyo para sa kalusugan ng mga nakatatanda.
Ayon kay Abante, sa mahigit 300 kumpirmadong namatay sa China dahil sa nCoV, nasa 80 porsiyento ay mahigit sisenta anyos na.










