Pinatitiyak ng isang lider sa Kamara sa mga electric cooperatives ang tuloy-tuloy at sapat na power supply sa mga probinsya.
Pahayag ito ni House Committee on Energy Chairman Lord Alan Velasco kasabay ng National Electrification Awareness Month.
Sinabi ni Velasco na dapat tutukan ng mga electric cooperatives ang pag-supply ng kuryente sa mga barangay at mga malalayong probinsya.
Iginiit nito na malaki ang magiging pagbabago at pag-unlad ng mga rural areas kapag natiyak ang pagkakaroon ng walang aberyang supply ng kuryente.
Sa ngayon, sinabi ng kongresista na dapat maabot na rin ng kuryente ang natitirang isang porsiyento sa 36,057 barangays sa bansa na wala pang pailaw.
Sa pamamagitan naman aniya ng pagkakaroon ng sustainable at efficient electricity, ay mapapalakas ang negosyo, pamumuhunan at hanapbuhay ng mga nasa probinsya, na magreresulta sa paglago ng kanilang ekonomiya.