Hinimok ng National Anti-Poverty Commission(NAPC) ang mga kabataang kakandidato sa BSKE 2023 na mag-pokus sa mga programang makakapagpa-angat sa kabuhayan ng publiko mula sa kahirapan.
Ayon kay NAPC-Youth and Students Sectoral Representative Ninian Sumadia mahalagang sa unang lebel pa lamang ng pagseserbisyo ay matutunan na ng mga kabataan na makabuo ng mga proyektong maaaring makatulong upang mabawasan ang kahirapan sa buong bansa.
Ani Sumadia, may malaking papel ang Sangguniang Kabataan upang masolusyunan ang kahirapan sa brgy level.
Mayroon aniyang pondo ang SK na maaaring ma-maximize o magamit para sa kapakanan at pangangailangan hindi lamang ng mga kabataan kungdi ng buong brgy.
Kasabay nito, hinimok ng NAPC representative ang mga kapwa kabataan na maghanap o bumuo ng mga magagandang programa na maaari nilang paglaanan sa matatanggap na pondo.
Tinukoy nito ang kahirapan bilang isa sa mga pangunahing problema sa komyunidad, na dapat ay pakatutukan.
Ayon pa kay Sumadia, nakikipag-ugnayan din umano ang NAPC sa iba pang ahensiya ng pamahalaan katulad ng Department of Education, Commission on Higher Education, Commission on Population, at iba pang ahensiya, upang makabuo ng mag proyektong gagabay sa mga kabataan.
Sa ilalim ng naturang pagtutulungan, nais ni Sumadia na matugunan ang ibat ibang mga problema sa kanilang sektor, kabilang na ang mataas na bilang ng teenage pregnancy, mental health issues, limitadong access sa edukasyon, at iba pa.